Now Playing Tracks

Life As We Know It

Ito ang wallpaper ko sa Macbook at cover photo ko sa Facebook simula noong may nang-insulto sa akin. Bakit napakaraming tao ang mahilig magkumpara? By comparing, ibig kong sabihin ay ‘yung ugali, hindi sa itsura at pangangatawan. Huwag kang masyadong mag-assume dahil wala kang kamukhang artista. Kung may kamukha ka, heto siya ngayon, nagbabasa ng article na ito. May sarili kang talento at pag-iisip kaya huwag na huwag mong ikukumpara ang sarili mo sa iba.

Ayos na sana, kaso may third party na mahilig naman ikumpara ka sa iba. Tama ka, third party, sila ‘yung mga naging instrumento para paulit-ulit na i-remind sa’yo kung sino ka sa mata nila. May dalawang klase ng pagkukumpara: una ‘yung ikukumpara ka sa pagkakatulad ninyo sa ugali:

  • “Pedro! Wala ka ng ibang ginawa sa bahay kundi matulog. Parehas kayo ni Juan tamad.”
  • “Lasing ka nanaman! Pare-parehas kayo ng mga pinsan mong lasinggero. Mga walang kinabukasan!”
  • “Hayop kayong lahat! Mga tsismosa.”

 

Ikalawa, ‘yung ikukumpara ka sa pagkakaiba ninyo ng ugali:

  • “Bakit ikaw mabait ka sa akin? Pero ‘yung ate mo ang sungit sa akin?”
  • “Tignan mo si Lita, Top 1 sa klase. Ikaw Top 1 sa mga bobo.”
  • “Mas masipag kasi si Pepe sa’yo kaya naiiahon niya sa hirap ang pamilya niya.”

 

Wala ako nakikitang mali sa pagkukumpara lalo na kung nais mong bigyan ng aral ‘yung tao. Naging parte na siya ng buhay natin lalo na ng mga tsismosa at tsismoso. Siguro magkakaroon lang ng problema kung paulit-ulit mong ikinukumpara ang isang tao sa iba. Hindi siya nabibigyan ng pagkakataon na magbago at ipagtanggol ang sarili lalo na kung mas malalim siyang dahilan. Nangyayari sa akin ito at siguro naman, pati sa ibang tao. Nagkakamali tayong lahat, oo, sang-ayon ako riyan pero may mga isip naman tayo para huwag na ulitin ang isa pang pagkakamali. Kung naging bobo ako at lagi akong ikukumpara sa pinakamatalino sa klase, bakit hindi n’yo nalang ako tulungan sa pag-aaral ko? Ang mali kasi sa iba, alam na nilang mahina ‘yung ulo, pinagdidiinan pa nila. Sapat nang malaman nila ‘yon. Habang abala kang itinataas ang dangal ng pinakamatalino sa klase, inaapakan mo naman ‘yung pinakamahina ang ulo.

Lagi ko sinasabi wala akong pera lalo na kapag may mga matitigas na mukhang nagpapalibre. Aaminin ko talaga na mahirap mag-ipon dahil wala na akong tatay kaya ako ang bubuhay sa pamilya namin at magpapaaral sa kapatid ko. May mga taong mahilig magpuna na magatos daw ako, pero dati pa iyon. Bakit pinipilit nilang ikahon ako sa salitang “magastos”? Tapos ikukumpara ka sa ibang naghahanap-buhay na nakakatipid daw pero kung pag-aaralan mong mabuti, wala siyang pinag-aaral at sarili lang niya pinagkakagastusan niya. Hello people? Wake up.

Ikaw naranasan mo na bang kinahon ka nila sa isang word na dati mong pagkakamali? Lagi nilang isasampal sa’yo ang dati mong pagkakamali at hindi ka binibigyan ng pagkakataong magbago. Papaano ka magsisimula kung sinusubukan mo palang, tinatatakan ka na nila? Sila ‘yung mga taong walang bilib at tiwala sa kakayanan mo. Ibang klase ang mga tao ngayon. Mas matatalim ang mga bibig nila kung magsalita. Hindi ko maintindihan bakit ang dami nilang oras para manghusga, magkumpara, at magpuna. Naging hanap-buhay na nila ang mga bagay na ito dahil may kulang din sa buhay nila. Sa halip na pansinin nila ‘yon, ikaw ang papansinin nila.

Habang patuloy sila paghanap ng mali sa ginagawa mo, nakakalimutan na nilang mag-appreciate at magpasalamat sa mga bagay na nagagawa mo.

Appreciation to good things done

Opens opportunity to do more

Naramdaman mo na bang pinag-iinitan ka lahat ng tao? Na lahat nalang ng ginagawa mo kahit gaano kaganda ang intensyon mo nagiging mali sa paningin ng iba? Kung oo, isa kang emo. Mahirap bang mag-appreciate ng magagandang bagay? Medyo, siguro, kapag araw-araw niyang ginagawa para sa’yo. Pinagluluto ka ng almusal, pinagre-research ka ng project, pinagbubukas ka ng gate, pinaglalaba ka ng damit, ibinibili ka ng pasalubong… etc. etc. sigurado akong hindi mo na napapasalamatan mga gumagawa niyan kasi palagian e. Parang daily routine na sa kanila na tulungan ka. Hindi mo ba alam na mas magsisipag silang gawin iyan kung naappreciate mo ‘yan? Masarap ang ulam ninyo ngayon, sabihin mo sa nagluto. Hindi naman patas na kapag maalat ang ulam, doon ka nagrereklamo.

Tayong lahat ay naghahanap ng appreciation, atensyon at kung ano pang salita na kasing-kahulugan noon sa ibang tao lalung-lalo na ‘yung malalapit sa atin. Hindi naman tayo robot na basta nalang naka-program na ginagawa ang mga bagay-bagay. Ang tao ay nilikha na may emosyon at sa bawat ginagawa natin meron tayong kanya-kanyang motivation at inspiration. Ang appreciation ang nagsisilbing battery na nagbibigay sa’tin ng lakas na ipagpatuloy ang magagandang bagay na ginagawa natin.

Simple lessons in life (for ages 6 above)

  1. Do not compare people
  2. Be careful with your words. Verbal injury is painful than physical injury
  3. Enjoy life as long as you don’t hurt anyone
  4. Learn to appreciate every little thing
  5. Make sure your motivation and inspiration helps you in doing the right things and to becoming a better person

Sometimes, I Hate the Internet

Kailan lang naging balita ang Fair Usage Policy na inimplement ng Internet Service Provider ko at sinasabi nilang lahat ng ISP may ganoong policy lalo na sa buong mundo. Magmumukha bang “fair” sa mga consumers kung ang sasabihin nila sa mga advertisement ay “unlimited” Internet? Oo alam ko nalulugi kayo sa mga taong nag-aabuso nito lalo na ‘yung mga consumers na super gigabyte ang nagagamit araw-araw. Sabi sa text message na natanggap ko dalawang linggo ang nakakaraan, may limit daw na 1 gigabyte. Napagdesisyunan kong i-track araw-araw ang nakokonsumo kong megabytes (alam ko megabytes dahil ‘yung files ko sa trabaho in MB na siya). E tae pala nila e, hindi man ako umaabot ng 1 gigabyte per day pero naapektuhan ako ng kaletsehan ng mga Internet service providers na ‘yan. Kung namo-mroblema talaga sila sa usage ng data, bakit hindi nila baguhin ang description ng promos nila sa halip na mag-offer ng unlimited Facebook sa mga polpol ng consumers.

Marami pa rin ang mga Pilipinong masyadong bulag at kulang sa kaalaman. Minsan sinisisi ko ang media dito. Laganap na ang komersyalismo lalo na sa mga palabas sa telebisyon ngayon. ‘Yung patalastas ng isang fast food chain, pinapakitang mga bata palang pwede na mag-ibigan. Catchy ‘yun at nakakatuwa kasi puppy love pero advertisement pa rin siya. Ito na kasi ‘yung uso e. Nagtagal ba ‘yung patalastas ng isang brand ng noodles kung saan ang isang pamilya sabay-sabay kumain, tapos kinumusta ‘yung mga anak? Nakakapulot kaya ang mga manonood ng aral sa mga ganitong patalastas? Ipinapalabas sa T.V. kung alin ang gustong mapanood ng mga tao, kung ano ‘yung maka-masa. Halimbawa, ‘yung kaso nila Vhong Navarro at Deniese something (hindi ko siya kilala pero noong una akala ko cornetto ang pagkakarinig ko). Mas nagkaroon ito ng highlight sa mga tao mapa-telebisyon o mga social networks. ‘Yung mga ibang balita, people don’t really care. Ang inaabangan lang nila ay ‘yung mga impormasyon na gusto nilang mapanood at marinig. Unaahan kasi ang mga Pilipino sa pagbabalita sa kapit-bahay na isa ring tsismosa.

Lahat ng tao nagiging kritiko. Kapag may isyu sa gobyerno lahat nagiging congressman. May balita tungkol sa simbahan, lahat nagiging relihiyoso. May binugbog na artista, lahat naging attorney. Ako inaamin ko naging instant congressman ako pero ‘yang sa showbiz ‘di ko ‘yan pinapatulan. Minsan naiisip ko bawat user ng Internet lalo na sa mga social networks, lahat tayo may pinaglalaban at ‘yun ay ang mga opinyon natin. Sa bawat balitang napapanood lahat tayo may pinapanigan. Wala na tayong sinuportahan na tao. Maliban nalang kung talagang walang sense ‘yung batas na pinapasa ng mga senador tulad ng anti-planking law.

Ito nga ba ang tamang paraan ng paggamit ng Internet at freedom of speech? May isang artwork akong nakita sa Internet na may sinasabing “sometimes I hate the Internet”. Hindi ko naman pwede tanggalin ang Internet sa buhay ko dahil sa trabaho ko, importante ito. Pero kung bibigyan mo ako ng Internet para lang sa unlimited Facebook, hello? Hindi lang Facebook ang nagpapasaya sa akin. Actually mas nawalan na ng personal touch ang tao dahil diyan. Sometimes I hate the Internet, useful naman siya lalo na kapag gumagawa ka ng research work pero ang hindi ko maintindihan, bakit ‘yung mga high school (even college students), copy-and-pasted ang mga research work. What’s the use of asking students to watch a movie at home or read a book, then submit their reaction paper with the plot kung nariyan naman ang Internet. Maraming available na summaries at reaction na mada-download. Sobrang katamaran ang lumalaganap sa mga tao ngayon. Ito ba ang “fair” usage?

Kung ako magiging guro, sa skwelahan ko sila papabagbasahin ng libro at on-the-spot pagagawain ng reaction paper. Mas makikilala mo ‘yung studyante kung papaano siya magsulat at kung ano talaga ang nararamdaman niya, hindi ‘yung hinahayaan silang magpasa ng proyekto na galing lang sa anonymous source sa Internet. Mas marami pa ‘yung oras na ginugugol ng mga tao ngayon sa pag-iimbestiga ng mga pictures ng mga kaibigan, kaaway, mga dating classmates, katrabaho, at malayong kamag-anak. Wala na ring tiyaga ang mga taong magbasa ngayon. Sino ba naman ang magta-tiyagang unawain ang mga libro lalo na kung English ito? Mas gugustuhin na nilang manood ng Interview ni Deniese sa YouTube at paduguin ang replay button sa panonood ng mga video ng Harlem Shake at Bubble Bath.

Fair Usage. Minsan guilty ako sa pagda-download ng songs sa Internet pero I can’t help it. Besides, foreign songs naman iyon. May mga taong malakas makapagsabi sa’kin ng “support Pinoy songs”. Papaano mo masusuportahan ‘yung mga musicians at artists sa Pilipinas kung bumibili ka ng pirated CD’s at downloaded from external source sa Internet ang mga OPM songs mo? Dumadagdag ba kita ng OPM artists kung nagdownload ka sa Internet for free? Hindi siguro. Nalulugi na ang Philippine Music industry pero ‘yung mga tao makikitid pa rin utak. Lahat ng tao may mga mp3 players na, kahit mga pulubi naka-head set. Saan galing ang mga kanta? Sa Internet.

Sometimes I hate the Internet. Marami din naman gamit ang Internet tulad sa communication lalo na kung may kamag-anak kang nasa ibang bansa. Hindi mo na kailangang sumulat at gumastos ng laway para i-seal ang envelop tapos hindi ka pa siguradong matatanggap ng recipient sulat mo. Bakit hindi gamitin ang Internet para palawakin ang kaalaman? Oo, pwede. Nasa sa atin lang naman iyan. Hindi naman kailangang laging inaabuso ang anumang “unlimited” na binigay sa atin. Kung binigyan ka ng home work at may Internet ka sa bahay, huwag ka naman mag-copy-and-paste. Pero kung nahihirapan ka talagang i-reword ‘yung research work dahil English, basahin mo naman. Huwag alisin sa sistema ang pagbabasa kasi hindi lang sa experience lagi natututo ang tao, kailangan mo pa rin magbasa. Kung may nagsulat ng “bridge under construction” o “landslide ahead” sa kalsada, magbasa ka muna bago mo ma-experience. (Sino ba nagpa-uso ng “Experience is the best teacher?”) Kung magtatapat ka ng pag-ibig mo sa isang tao, sabihin mo ng personal. ‘Wag mo sabihin through Internet. Ano ba? Nasaan ang effort?

Ngayong binigyan tayo ng mga Internet service providers ng limitasyon, dapat na tayong maghigpit ng sinturon. Gamitin ang Internet kapag kailangan lamang. Hindi na kailangang malaman ng mundo na heartbroken ka araw-araw kahit na gawa-gawa mo lang iyon. Siguraduhing bawat kilobyte ng impormasyon na kukunin at ibabahagi mo sa Internet ay may maitutulong na mabuti sa iyong kapwa. Kung may Internet kayo sa bahay, binigyan ka ng pagkakataon sa buhay to spread the love kahit nasaang lupalop ka man ng mundo. 

Mahal Magmahal

Valentines o sa iba Valentayms, mas kilala bilang araw ng mga katulong at security guard. Hindi ko alam anong pinagmulan ng teoryang iyon pero may kabuluhan naman siya lalo na kung ang mga amo ay may sariling date. Masosolo ng mga boy ang mga katulong. Totoo bang nagiging day-off ng mga katulong ang February 14? Kung totoo, mag-aapply nalang ako ng katulong. Kung day-off ito ng mga security guard, magandang oportunidad ito para sa mga kriminal para maghasik ng lagim. Ano ba talaga ang meron sa February 14? Taun-taon nakamarka ito sa mga kalendaryo natin. Hindi man siya Holiday, may label itong “Valentines day” na laging sinasampal sa mga walang kasintahan. Taun-taon rin, tuwing sasapit ang buwan ng Pebrero, dumadami ang mga supplier at tumataas ang demand ng mga bulaklak, mapa-rosas, lily, lavender, sampagita, gumamela, at calachuchi.

February 14, araw ng mga puso. Sa araw na ito nagigising si kupido para pumana ng mga taong walang boyfriend o girlfriend. Nakapanood ako minsan ng isang video sa Facebook na nagsasabing “wag lalabas ng bahay sa Valentines” dahil may isang overweight na retarded na may artificial na pakpak ang papana sa’yo. Sa video na ito makikita mong nasasaktan talaga ‘yung mga target. Natawa ako sa video ngunit narealise kong wala siyang sense. Para sa katatawanan lang at para ipamukha sa mga taong naniniwala kay kupido na tigilan kahibangan nila. Ito ang itinuturo ng mga huwarang guro sa pampublikong paaralan lalo na sa elementary. Sa subject na Sining (kung meron pang ganyang subject ngayon), paguguhitin kayo ng mga korteng anghel na nakalabas ang puso tapos may hawak na pana. Tapos ididikit sa pintuan ng mga classroom. Damang-dama ng mga elementary students na love is in the air. Lalo na ng mga high school kaya madalas di na sila umaabot ng college dahil mas maaga pang nag-honeymoon kaysa graduation.

Wala masyadong kabuluhan ang buhay ko tuwing Valentines day. Wala rin akong diary na magpapatunay kung anu-ano mga ginawa ko noong mga nakaraang Valentines. Hindi naman ako pang-matinee idol tulad ng iba kong kaklase at iba naming ka-schoolmates. Hindi rin naman ako sobrang panget at weirdo na iniiwasan ng madami. Kung ipapakilala ako, sasabihin nila mabait. ‘Yun naman generic na description sa mga tao. Mabait.

“Kumusta ‘yung bago mong classmates?”, “Ayun, mabait naman sila”

“Gwapo ba ‘yung boyfriend mo?”, “Mabait siya”

“Nameet mo na ‘yung parents niya?”, “Oo, mabait sila.”

‘Yan ang mabait. Panandaliang sagot sa mga katanungang hindi ka pa nakakasigurado sa sagot. Going back to Valentines, may mga ilang ala-ala ako noong elementary kung saan may program sa classroom. Nataon na uso ang kantang “Like a Rose” at talaga naman, 14 times ko narinig maghapon. May mga kaklase akong nagbibigay ng chocolate na korteng bulaklak na lasang alikabok. ‘Yung iba namang nakakatanggap ng red roses na iniipit sa libro at makalipas ang ilang araw ay itatapon rin, kasama na ‘yung libro dahil pinagpyestahan na ito ng mga insekto.

Noong high school naman, actually may crush ako noong first year pero pinagpalit ko siya sa pagkahilig ko sa mga Top 20 songs ko. Mas naging abala akong naglilista ng mga kantang wala naman kinalaman sa buhay ko sa halip na ituon ko ang atensyon sa babaeng hindi ko naman alam kung mapapangasawa ko siya balang araw. Noong second year high school my first kiss came from a very close friend. Medyo special kasi wala pang nagbigay sakin ng rose (kahit na tig-sampung piso lang ‘yun) with matching kiss sa cheek. Kaso narealise ko na ganoon pala siya sa lahat ng guys sa classroom namin. Ayos naman, naging kaibigan ko siya hanggang fourth year kami. Mas okay kami as friends.

College! Walang buhay kasi bagong environment at puro half-day ang klase. Wala akong matandaang activity ko kapag Valentines maliban sa nagkaroon ako ng bulutong. Maliban sa mabahong pangalan, sigurado akong di mo gugustuhin magkaroon ng bulutong. Dinalaw ako ng dalawang kaibigan ko na may pasalubong, isang baon na cream-O.

May panahon na bumili ako ng 20 pirasong white roses. White symbolizes purity. Binigyan ko ‘yung unang 20 girls na papansin sa akin sa araw ng Valentines. Oo, 20 pieces! Kung nakita mo ako noon, kahit may kasama pa sila boyfriend, binigyan ko sila. I admire every girl in school especially mga ka-close friend ko. I have high respect for these girls, but really? Walang special someone. ‘Yung huling Valentines ko sa Malolos, inutusan ako ng kaibigan kong magpre-order ng bouquet para sa girlfriend niya. Okay lang kasi wala naman akong gagawin sa araw na ‘yun. Maaga akong nagpunta sa flower shop at dahil ako ang unang taong naroon, sinabi niyang kumuha ako ng kahit anong bulaklak na meron sila. Kumuha ako ng isang long-stem na white rose at naisip kong ibigay ito sa babaeng sinabihan ko na mahal ko siya through Yahoo! Messenger. Oo, wala akong lakas ng loob that time at para akong tanga na nagmo-monologue sa harap ng computer. Sometimes I hate technology. Haha.

Pagkabigay ko ng white rose, sinabi niyang pang-4th na akong nagbigay that day. What? Akala ko ako na pinakamaaga. Pero wala siyang date so sinamahan ko siyang magpa-pedicure. Instant katulong. Naalala ko ‘yung sinabi ko sa taas na araw ito ng mga katulong. Makikita mo sa daan na ‘yung mga tao abalang naghahanap-buhay habang ‘yung iba, mainit ang ulo dahil hindi pa nakahanda ‘yung bouquet na inoorder nila. Papaano naman ang Valentines para sa mga taong tulad nila? Pagkatapos niyang magpapedicure, hindi ako sigurado kung nagpa-facial pa siya pero kumain kami ng dinner, kasi mga 4:00 p.m. na ‘yon. Dumating din doon ang kaibigan kong nang-utos sa akin. Hinatid namin ang kaibigan ko tapos nanood kami ng basketball kasama ang girlfriend niya. Pero ngayon magkakaibang landas na kami. See, sabi ko na sa inyo in time maraming pwedeng magbago.

Ngayon, back to February, same set up. Sabi sa Chinese Zodiac, ang mga Year of the Dragon (ako, tayong lahat na mga ka-edad ko 19 years old), magiging boring this year. Hahayaan ko bang maging boring  nga ang taon na ito para sa akin? Naniniwala ako sa Feng Sui pero ginagamit ko lang itong gabay para baguhin ‘ung buhay ko. Hindi dahil sinabing swerte ka sa taong ito ay dadating na ang biyaya ng basta-basta. Kailangan natin itong paghirapan. What is my plan this Valentine? Ngayon ko naiisip na katulad rin pala ako ng ibang tao na naghahanap-buhay sa araw na ito. Loving your family is enough at meron din akong mga kaibigan (kahit na ‘yung iba iniwan na ako). I already spent half of my life just helping others at karamihan sa kanila wala naman talaga pakiaalam sa’yo. They see through you, siguro pag kailangan oo, maalala ka. But still I love them all. Ito muna siguro for this Valentine. Walang red roses, walang white roses, walang drama sa Yahoo! Messenger. Walang mga panis na chocolate. Wala man tayong date (oo nga pala Friday siya), just reflection at recollection ano nagawa natin noong mga nakaraang taon tulad nito. Sinong mag-aakalang makakapagsulat ako ng dangkal-dangkal na talata.

Sino ba tayo? Dahil ba walang date wala ng nagmamahal sa’tin? Tuwing February 14 doon lang ba dapat nagbibigay ng red roses? Hindi ba puwedeng 365 days at araw-araw ang Valentines? Masyado bang masakit sa bulsa kung magbibigay ka ng 365 roses sa taong pinakamamahal mo? Sino ba ang mga eligible at may karapatang magcelebrate ng Valentines day? Para lang ba ito sa mga magkasintahan? Papaano ‘yung mga taong nagsisikap magtrabaho para maiahon sa hirap ang mga pamilya nila? Kahit na ganoon, masaya pa rin naman ako. Wala naman talaga ibang taong makakaintindi sa’yo kundi sarili mo lamang. Pahalagahan lahat ng minamahal mo. Hindi kailangan ng Febuary 14 para magbigay ng bulaklak. Appreciate the people you love every time you have the chance. Happy Valentines everyone.

To Tumblr, Love Pixel Union